Hindi ko alam na ganito pala kahirap ang magpasya.
Hindi na ako makatulog, sumasakit ulo ko, kagabi ay nagbreak down na ako sa may bandang Kalayaan Avenue corner Mayaman. Habang rumaragasa ang mga taxi at jeep sa harap ko. At may magbabalot na piping saksi.
Sa isang banda, ayoko masyado mag-inarte. Andaming problema ng Pilipinas, andaming tao na mas may mabigat na bitbitin, andaming magsasaka na wala pang lupa, dumarami ang namamatay sa swine flu at nakaupo si Palparan sa Kongreso. (Ang tanging magandang balita na nga lang ay ang kasal ni Judy Anne.)
Kagabi ay tinext ko ang isang grupo ng mga kaibigan ko. Gusto ko kasi talaga magvideoke. Nakakalma ako sa videoke. HIndi rin naman ako kumanta at nakaupo lang sa tabi, lumilipad ang isip.
Noong isang gabi naman, kausap ko ang isang pinakamamahal na kaibigan, katrabaho, mentor. “No decision will be perfect,” ang sabi niya. Pareho kaming napabuntonghininga.
Bakit ba ganito kahirap? Ang hirap magpaalam. Ang hirap magalsa-balutan ng alaala. Ang hirap ng pakiramdam na may binibitawan kang pangarap para makamit ang isa pa.
Paano ba tinitimbang ang pangarap?





